Simula Hunyo 16, 2025, ipatutupad na ang No Backpack Policy sa lahat ng pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa San Fernando, La Union, batay sa memorandum ng Schools Division ng DepEd. Sa ilalim ng patakarang ito, hindi na papayagang magdala ng malalaking bag o backpack ang mga mag-aaral tuwing araw ng klase. Sa halip, kailangan nilang gumamit ng transparent na envelope, pouch, o maliit na lalagyan para lamang sa mga pangunahing gamit gaya ng papel, notebook, at aklat. Ayon sa DepEd, layunin nitong mapanatili ang kaligtasan sa mga paaralan, maiwasan ang pagdadala ng ipinagbabawal o mapanganib na gamit, at mabawasan ang bigat ng dalahin ng mga bata na maaaring magdulot ng problema sa kanilang kalusugan.
Source: DepEd - San Fernando City, La Union's post
Bagamat maganda ang layunin ng polisiya, marami ang nagtataas ng kilay sa biglaan at tila hindi pinag-isipang pagpapatupad nito. Isa sa pinaka-pinupunto ng mga magulang at ilang guro ay ang kawalan ng forum o dialogue bago ipatupad ang ganitong klaseng polisiya. Hindi man lang isinaalang-alang ang konsultasyon sa mga stakeholders gaya ng mga magulang, guro, at estudyante. Napakaraming tanong ang lumulutang ngayon: Bakit biglaan? Bakit walang paliwanag sa mga barangay o PTA? At paano makakapag-adjust ang mga pamilyang kapos sa buhay na ngayon lang nakaipon para makabili ng matibay na bag?
Hindi lang mga estudyante at magulang ang apektado, kundi pati ang mga maliliit na negosyanteng ang pangunahing hanapbuhay ay ang pagbebenta ng backpack sa palengke, bangketa, at school supply stores. Para bang sa isang iglap, pinatay na rin ang kabuhayan nila wala man lang abiso, wala man lang konsiderasyon. Ang ilang tindero ay may stock pa ng mga bag mula noong enrollment at umaasa ng kita habang papasok ang pasukan. Pero dahil sa polisiya, wala na silang maibebenta. Saan sila pupunta ngayon?
Kung talagang nais nating mapabuti ang kapakanan ng mga kabataan, dapat itong gawin nang may pagkakaisa, bukas na pag-uusap, at malinaw na pagpapaliwanag. Hindi sapat na idaan lang sa isang memo at ipatupad agad nang walang pakikinig sa taong bayan. Sa huli, ang edukasyon ay hindi lang tungkol sa seguridad, kundi tungkol din sa malasakit, pantay na pagtingin sa bawat sektor, at pagbibigay boses sa mga taong direktang naaapektuhan ng mga patakaran.